Paano i-track ang nawalang phone? 3 dapat mong gawin ngayon
May video rin kami nito! Panoorin sa TikTok o sa YouTube
Pag nawala na ang phone, huli na para mag-set up. Kaya gawin mo 'to ngayon habang hawak mo pa. Tatlong bagay lang, at libre lahat.
1. I-on ang Find My Device (Android) o Find My (iPhone)
'Yan ang built-in na feature para makita mo kung nasaan ang phone mo, mapa-ring, ma-lock, o mabura ang laman nito mula sa ibang device.
- Android: Settings → Google → Find My Device. Sa ibang brand at version, nasa Settings → Security o Google → Find Hub. Iba-iba kasi ang pangalan at lugar nito.
- iPhone: Settings → pangalan mo sa taas → Find My → Find My iPhone → i-on. I-on mo rin ang Send Last Location, para ma-send ang huling location bago malowbat ang phone.
Para gumana 'to, kailangang naka-login ka sa Google account (Android) o Apple ID (iPhone) sa phone.
2. I-on ang location at siguraduhing may internet
Kahit naka-on ang Find My Device, 'di ka makakakita ng location kung naka-off ang location services.
- Android: Settings → Location → i-on.
- iPhone: Settings → Privacy & Security → Location Services → i-on.
Kailangan din ng internet ang phone, WiFi man o mobile data, para makapag-send ng location. Kung pinatay ng nakakuha ang phone o naubusan ng battery, baka 'yung huling location na lang ang makita mo.
Kaya 'wag mong hayaang naka-off lagi ang mobile data, lalo na kung wala kang WiFi sa labas.
3. Isulat ang IMEI at email na naka-login
Dalawang bagay 'to na kakailanganin mo pag nag-report ka, at mahirap nang kunin 'pag wala na ang phone.
- IMEI: i-dial ang *#06#, o tingnan sa Settings → About phone. Nakasulat din 'yan sa box ng phone at minsan sa resibo.
- Email: 'yung Google account o Apple ID na naka-login sa phone. Dito ka magla-login para i-track ang phone.
Isulat mo sa notebook o i-save sa ibang device. 'Wag sa mismong phone lang, kasi 'di mo 'yun mabubuksan pag nawala. Pwede ring i-screenshot at i-send sa sarili mong email.
Pag nawala na talaga
- Mag-login ka sa Find My Device o iCloud sa ibang phone o computer, tapos i-check ang location.
- Kung malayo o 'di mo sigurado kung sino ang kumuha, 'wag kang pumunta mag-isa. Magpasama ka sa pulis.
- Tawagan ang telco mo (Smart, Globe, DITO) para ipa-block ang SIM.
- Kung may GCash, Maya o banking apps ka sa phone, i-report agad at ipa-lock ang account. Palitan mo rin ang password ng mga mahalagang account.
- I-lock ang phone gamit ang Find My Device o Find My, at 'wag mo munang i-erase hangga't may chance pang makita.
Checklist
- I-on ang Find My Device o Find My
- I-on ang location at siguraduhing may internet
- Isulat ang IMEI at email na naka-login
Basahin mo rin ang Paano kung nawala ang phone mo? para sa iba pang dapat i-set up.
May tanong ka pa? I-message mo kami, o i-follow mo kami sa TikTok at YouTube para sa mga bagong tips.


