WiFi Articles · Nov 12, 2026 · 4 min basahin

Nakalimutan ang WiFi password? 3 paraan para makita ulit

Nakalimutan ang WiFi password? 3 paraan para makita ulit

May video rin kami nito! Panoorin sa TikTok o sa YouTube

Nakalimutan mo 'yung WiFi password, tapos may bisita o bagong gadget kang ikakabit? 'Wag ka munang mag-reset ng router. Madalas, makikita mo pa 'yan sa phone mo mismo, o sa likod ng router.

1. Android: i-share ang WiFi

Kailangan nakakonekta ang phone mo sa WiFi na 'yon.

  1. Punta ka sa Settings → Network & internet (o Connections sa ibang brand) → Wi-Fi.
  2. Pindutin ang pangalan ng network n'yo, o 'yung gear icon sa tabi nito.
  3. Pindutin ang Share.
  4. I-confirm gamit ang fingerprint, PIN o pattern mo.

Lalabas ang QR code, at sa maraming phone, nakasulat din ang password sa ilalim nito.

Kung QR code lang ang lumabas, ipa-scan mo sa kabilang phone gamit ang camera. Kusa na siyang kokonekta kahit 'di mo alam ang password. Iba-iba ang pangalan ng menu depende sa brand at version ng Android, kaya hanapin mo lang 'yung Share. Sa sobrang luma na Android, baka wala talaga 'yan.

2. iPhone: tingnan sa Settings

Dito mo makikita ang password na naka-save sa iPhone mo:

  1. Punta ka sa Settings → Wi-Fi.
  2. Pindutin ang maliit na i sa tabi ng network n'yo.
  3. Pindutin ang Password.
  4. I-confirm gamit ang Face ID. Kung Touch ID ang phone mo, fingerprint o passcode naman.

Kailangan ng iOS 16 pataas para lumabas 'yan. Kung 'di lumabas, i-check mo sa Settings → General → Software Update kung may update ka pa.

3. Tingnan ang likod ng router

Kung 'di pa napalitan ang password, nakasulat 'yung default sa sticker sa likod o ilalim ng router.

Pag wala talagang gumana, may reset button ang router. Pero mabubura lahat ng settings, kasama ang pinalitan mong WiFi name at password. Sa ibang provider, kailangan pa ng login details para bumalik ang internet. Kaya i-message o tawagan muna ang PLDT, Globe, Converge o kung sino mang provider mo bago ka mag-reset.

Pagkatapos mo siyang makita

I-save mo sa Notes o sa password manager para 'di ka na maghanap ulit. 'Wag mo ring i-post sa group chat o social media.

Checklist

  1. Android: Wi-Fi → pindutin ang network → Share
  2. iPhone: Settings → Wi-Fi → i → Password
  3. I-check ang sticker sa likod ng router
  4. 'Wag mag-reset hangga't 'di ka sure
  5. I-save ang password sa safe na lugar

Parang may nakiki-WiFi na sa inyo? Basahin mo ang May nakiki-WiFi ba sa'yo? Ganito mo malalaman.

May tanong ka pa? I-message mo kami, o i-follow mo kami sa TikTok at YouTube para sa mga bagong tips.