Biglang may ads sa phone mo? 3 dapat mong gawin para mawala 'yan
May video rin kami nito! Panoorin sa TikTok o sa YouTube
Nagba-browse ka lang o nagse-scroll, tapos biglang may ads na lumabas sa screen. Nakakainis 'yan, at minsan may kasama pang mapanganib na link. Madalas, kaya mo 'yang ayusin nang libre sa tatlong 'to.
1. I-off ang notifications ng mga website na 'di mo kilala
Kapag may lumabas sa Chrome na "wants to send you notifications" tapos napindot mo ang Allow, pwede ka nang padalhan ng ads ng website na 'yon kahit hindi mo binubuksan ang Chrome.
- Buksan ang Chrome, tapos pindutin ang tatlong tuldok sa taas.
- Pumunta sa Settings → Notifications (sa ibang version, nasa Settings → Site settings → Notifications).
- Hanapin mo 'yung mga website na 'di mo kilala at i-off ang notifications nila.
Sa susunod, 'wag mo nang pipindutin ang Allow kung 'di mo naman kilala ang website. Kung Samsung Internet o ibang browser ang gamit mo, may ganito rin sa settings nila.
2. I-uninstall ang app na kaka-install mo lang
Isipin mo muna: ano 'yung huli mong in-install bago nagsimula ang ads? Madalas, 'yan na 'yung suspect.
- Pumunta sa Settings → Apps at hanapin 'yung bagong app.
- I-uninstall mo, tapos tingnan kung nawala na ang ads.
Kadalasan, galing ang ganitong ads sa mga app na hindi galing sa Play Store, o sa mga flashlight, cleaner at booster app na 'di mo naman talaga kailangan. Kung 'di mo sure kung alin, i-uninstall mo isa-isa ang mga bagong app hanggang mawala.
3. I-off ang "Appear on top" sa app na 'di mo kilala
Isa 'to sa mga madalas na dahilan. Ang Appear on top ay permission na pwedeng magpalabas ng app sa ibabaw ng ibang app. Kaya kahit nasa Facebook o YouTube ka, may ads na sumisingit.
- Pumunta sa Settings → Apps → Special access (o Special app access).
- Piliin ang Appear on top.
- Hanapin mo 'yung app na 'di mo kilala o 'di mo naman kailangan, tapos i-off.
Iba-iba ang tawag depende sa brand at version. Pwede itong Display over other apps o Draw over other apps. Kung 'di mo makita, i-search mo lang ang "appear on top" sa taas ng Settings.
'Wag mong i-off 'yung mga kilalang app na kailangan nito, tulad ng chat heads ng Messenger. Kung 'di ka sure sa isang app, i-search mo muna ang pangalan niya bago mo galawin.
Checklist
- Sa Chrome, i-off ang notifications ng mga website na 'di mo kilala
- I-uninstall ang app na kaka-install mo lang bago lumabas ang ads
- I-off ang Appear on top sa app na 'di mo kilala
Tip pa: pag may pop-up na nagsasabing may virus daw ang phone mo, 'wag kang magpipindot ng kahit ano. Isara mo lang ang tab o browser.
May tanong ka pa? I-message mo kami, o i-follow mo kami sa TikTok at YouTube para sa mga bagong tips.


